Sunday, May 30, 2004

Wala Nito sa Vending Machine


Magkahalo sa pagtatampisaw ng yelo
pula at puti sila ay pinaghalo
sa ihip ng hanging nangingibabaw ang lamyos
hindi nito mapipigil ang pagsasalo.

sa tanghaling tapat
gumuguhit sa tigang na kalooban
tila isang pagsilakbo ng kaibuturan
nananaghoy ang isanglibo't isang ilawan
sa loob ng katawan kung saan ang init ay bumabanayad

sa hapon habang ang araw ay magtatago
lumalamig ang pagsuyong labis na natuyo
hanging humihele sa balat na paso
nakikiulayaw sa uhaw at pagod

ngunit pagkatapos lasapin
ang bawat himay ng panahon ng pananabik
lamig ng yelo, tabang ng gulaman
pagbibilog ng sago sa dilang di mapigilan
tamis nito ay nawawala, hinahanap
mananatili ang pagnanasang doon mo lamang nadama.